Matapos ang siyam na buwang parang nakalunok ako ng pakwan, simula na ng pinakamahalagang yugto sa buhay ng babae: ang maging ina.
Mga Natutunan:
Manganak.
Inaaral ba yun? Kahit ilang birthing classes pa siguro ang puntahan ko (and for the record, wala akong pinuntahan dahil mahal), iba pa rin kapag nariyan ka na sa delivery room. Kinaya kong manganak ng walang anesthesia (para makatipid), tiniis ko ang labor pains para lang maging normal delivery. At binigay naman yun ng Panginoon at sobra-sobra pa. Pareho kaming malusog na lumabas ng ospital ng anak ko.
Mag-alaga ng bata.
Kasama riyan ang magpaligo, magpalit ng damit at diapers, magbuhat, maghele, makipaglaro. Dati takot ako. As in takot. Pero habang lumilipas ang mga araw, linggo, buwan, dumadali na pala. Malamang, lumalaki siya e. Keri to, ‘teh!
Magtiis.
Jobless. Harang-less. Caffeine-less. Social life-less. Pasyal-less. Kailangang magtiis para sa ikabubuti ng bata. Minsan hindi na ako nakakakain, nakakapagbanyo, nakakatutbras kasi gusto ng batang nakabitbit matapos kumain at para makatulog ng mahaba-haba. Ayaw kasi magpaistorbo.
Magpasensya.
Lalo na pag hirap magpatulog ng bata. At pag umiiyak. Hulaan kung anong gusto niya – gutom ba siya, madumi ang diapers, inaantok, naiinitan, giniginaw, bored, etc.
Manghingi ng tulong.
Noong bata ka, kanino ka nagpapatulong sa homework? Di ba sa nanay mo? Lalo na ngayong may anak na akong sarili, sa nanay ko pa rin ako tumatakbo para tumulong sa pag-aalaga ng bata, at magpaturo sa kanya ng mga dapat gawin.
Mag-adjust.
Hindi na ikaw ang masusunod. Ang baby na na hindi pa naman nakakapgsalita. She’s the boss.
Mag-improvise.
Minsan, gumawa kami ng duyan gamit ang shawl ko at ikinabit sa crib para hindi na mahirapan magbuhat. Gupit dito, tahi doon, tinadtad ng packing tape ang mobile para maikabit sa scrap na tubo, at higit sa lahat, mag-scotch tape ng parol sa may pinto para titigan ng baby pampatulog. Epektib!
Magtanong ng magtanong ng magtanong. At malito.
Maraming nanay, maraming opinyon. Nakakalito kung minsan. Pero natutunan ko rin ang magtiwala sa sarili, sa instinct. So far, wala namang masamang nangyari sa anak ko.
Magpakain gamit ang dibdib (in short, magbreastfeed).
Isa lang ang masasabi ko, WOW! Hindi ko sukat akalaing kaya kong magbreastfeed. Sabi ng iba, masakit, mahirap, matutuyuan ka ng gatas, pero malaki ang pananampalataya kong lahat ng nanganak may gatas. So, go, therefore, and breastfeed.
Magpuri at magpasalamat.
Salamat sa Panginoon at lahat ito’y naranasan ko. Dati, naririnig ko iba’t ibang kwento ng mga nanay – yung mga nakunan, nanakawan ng anak, hindi magkaanak, at namatayan ng anak. Natakot ako, pero naniwala akong ibibigay si Aria ng Diyos dahil may misyon din siya sa mundo. At yan ang dapat niyang madiskubre sa kanyang paglaki. Kaming mga magulang niya aalalay, gagabay, aalagaan siya habang bata. At gusto namin siyang palakihing may takot sa Diyos.
We love you, Ariababy!
– Mommy (and Daddy)